CAUAYAN CITY – Dalawang barangay tanod ang nasawi habang pito ang nasugatan sa pag-araro ng isang Montero Sport sa mga nagsasagawa ng clean up operation sa gilid ng national highway sa Ballacayu, San Pablo, Isabela kaninang 9:50 ng umaga
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Roberto Guiyab, hepe ng San Pablo Police Station na ang SUV ay minamaneho ni Dr. Marcial Que na galing sa duty sa isang ospital at pauwi sa kanilang bahay sa District 2, Tumauini, Isabela nang nangyari ang aksidente.
Nag-overtake umano si Dr. Que sa isang motorsiklo ngunit nawalan ng kontrol sa manibela nang iwasan ang kasalubong na sasakyan at inararo ang mga biktima na naglilinis sa gilid ng daan.
Inararo rin ng SUV ang mga motorsiklo at kolong-kolong na service ng mga naglilinis sa daan.
Ang mga nasawi ay ang mga barangay tanod na sina Ambrocio Lagundi, 47 anyos at Rodrigo Pacion, kapwa residente ng Ballacayu, San Pablo, Isabela.
Ang nasugatan sina Barangay tanod Anthony Soriano, 34 anyos; Francisco Allata; Redentor Telan; Aaron Soriano, 17 anyos, estudyante; Philip Macapagal, 25 anyos, SK Chairman; Jose Villaverde, 66 anyos at Manuel Dayag, 57 anyos, pawang residente ng Ballacayu, San Pablo, Isabela.
Ang mga biktima ay dinala sa Milagros District Hospital sa Cabagan, Isabela.
Dinala rin sa ospital ang nasugatan na si Dr. Marcial Que.














