--Ads--

Dalawang menor de edad na kapwa estudyante ang malubhang nasugatan matapos maaksidente ang sinasakyan nilang motorsiklo sa bypass road ng Barangay Maligaya, Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Melchor Aggabao Jr. Chief of Police ng Tumauini Police Station, sinabi niya na isang babaeng menor de edad ang nagmamaneho ng motorsiklo na may sakay na backride nang mawalan ito ng kontrol dahil sa sobrang bilis ng takbo. Sumalpok ang motorsiklo sa concrete barrier sa gilid ng kalsada dahilan upang tumilapon ang dalawa sa palayan.

Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng malubhang pinsala ang mga biktima. Isa sa kanila ang naputulan ng isang paa at may fracture sa mga ribs, habang ang isa naman ay nagtamo ng matinding injury kung saan lumabas ang buto sa paa at kasalukuyang sumasailalim sa operasyon.

Lumabas sa imbestigasyon na walang suot na safety gear tulad ng helmet ang dalawang menor de edad. May nakatalagang pulis at traffic enforcer sa lugar ngunit hindi umano agad napansin ang mga biktima bago ang insidente.

--Ads--

Aminado ang mga awtoridad na marami pa ring kabataan ang nagmamaneho ng motorsiklo kahit walang lisensya. Patuloy namang hinihikayat ang mga kabataan na dumaan sa Theoretical Driving Course ng lungsod upang makakuha ng student driver’s permit at kalaunan ay lisensya.

Samantala, pinaalalahanan ang publiko, lalong-lalo na ang kabataan, na magdoble-ingat sa pagmamaneho, magsuot ng helmet, at sumunod sa itinakdang speed limit alinsunod sa Republic Act 4136.