Arestado ang dalawang hinihinalang fixer sa ikinasang entrapment operation ng Land Transportation Office (LTO) Calabarzon at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Laguna.
Ayon sa ulat, matagal nang nakakatanggap ng mga reklamo ang LTO kaugnay sa talamak na fixing activities sa lugar. Dahil dito, nagsumite ng liham ang pamunuan ng LTO Calabarzon sa pangunguna ni LTO Regional Director Elmer J. Decena sa CIDG upang magsagawa ng masusing operasyon laban sa mga sangkot sa ilegal na gawain.
Sa isinagawang entrapment operation, inalok umano ng dalawang fixer ang isang indibidwal ng tulong sa pagpaparehistro ng sasakyan kapalit ng karampatang halaga. Sa araw ng transaksyon, inabot ng poseur buyer ang marked money sa mga suspek at matapos itong tanggapin ay agad silang inaresto ng mga operatiba.
Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng pinaigting na kampanya kontra korapsyon ng administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa gabay ni Department of Transportation Acting Secretary Atty. Giovanni Z. Lopez at sa pamumuno ni LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.
Ayon kay Regional Director Decena, hindi kukunsintihin ng kanilang tanggapan ang anumang uri ng korapsyon sa loob at paligid ng kanilang opisina. Aniya, malinaw na paglabag sa batas at panlilinlang sa publiko ang fixing, kaya patuloy silang makikipagtulungan sa CIDG at iba pang sangay ng pamahalaan upang tuluyang mapuksa ang ganitong ilegal na gawain at matiyak ang maayos, mabilis, at tapat na serbisyo para sa mamamayan. Dagdag pa niya, walang puwang ang mga fixer sa anumang sangay ng pamahalaan.
Sa huli, muling nagpaalala ang LTO sa publiko na iwasan ang pakikipagtransaksyon sa mga fixer dahil maaari lamang itong magdulot ng panlilinlang, problema, at dagdag na abala sa mga motorista.











