
CAUAYAN CITY – Inaresto ang dalawang lalaki sa drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa barangay Tagaran, Cauayan City.
Ang mga dinakip ay sina Bernard Soriano, 47 anyos, may asawa at Eduardo Jacinto, 23 anyos, driver at kapwa residente ng barangay San Fermin, Cauayan City.
Sa pagtutulungan ng Cauayan City Police Station, Provincial Drug Enforcement Unit – Isabela Police Provincial Office (IPPO), Regional Drug Enforcement Unit ng Police Regional Office 2 (PRO2), RGSC at PDEA region 2 ay isinagawa ang drug buy bust operation laban sa dalawa.
Nakumpiska sa pag-iingat ni Soriano ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, Php 1,000 marked money, isang Caliber 38 na may dalawang bala, isang cellphone, sling bag at lighter.
Nakuha naman sa pag-iingat ni Jacinto ang isang sling bag na may lamang iba’t ibang ID, wallet na naglalaman ng OR CR ng sasakyan, pera, assorted plastic sachet na nakabalot sa diyaryo, isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at motorsiklo na ginamit sa transaksiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bernard Soriano, isa sa mga suspek, hindi niya inakala na mangyayari ito sa kanya dahil kakalaya lamang niya sa kulungan noong nakaraang taon.
Wala aniya siyang trabaho dahil inaalagaan niya ang kanyang asawa na paralisado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Eduardo Jacinto, mariin niyang itinanggi na siya ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at hindi sa kanya ang nakumpiskang kontrabando.
Aniya, nagpasuyo lamang si Soriano sa kanya para ihatid sa lugar kung saan isinagawa ang anti-illegal drug buy bust operation.
Ang pahayag ni Eduardo Jacinto.
Ayon sa pulisya, nasa Php 3,000 ang halaga ng nasamsam na iligal na droga.
sasampahan ang dalawang suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.




