Nahulog sa isang bukid sa Barangay Dagupan, San Mateo, Isabela ang isang 10-wheeler truck.
Ang truck ay minamaneho ni Jomel Balisi, 32 anyos, may asawa, at residente ng Zone 1, San Mariano, Isabela.
Sa imbestigasyon ng San Mateo Police Station, patungong hilaga ang truck nang bigla itong lumihis at dumiretso sa gilid ng lansangan.
Hinala ng pulisya, maaaring naidlip ang driver habang nagmamaneho kaya’t nawalan ng kontrol sa sasakyan.
Nagtamo ng minor injury si Balisi at ang kanyang kasama na si Robert Ventura, 23 anyos, kapwa mula San Mariano.
Agad namang rumesponde ang rescue team upang iligtas ang mga sakay ng trak at mabigyan ng paunang lunas.
Nagbigay paalala ang mga otoridad sa mga tsuper na kapag nakakaramdam ng antok o pagod, mas mainam na huminto muna sa ligtas na lugar upang makaiwas sa mga ganitong aksidente.









