CAUAYAN CITY – Matagal na umanong modus ng dalawang kawani ng Community Environment and Natural Resources (CENRO) sa Cabagan, Isabela na nahuli sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang sobrang paniningil ng bayad sa permit to travel ng mga ibinibiyaheng kahoy.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Tim Rejano ng NBI Isabela, sinabi niya na sa tulong ng mga complainant ay nahuli ang dalawang kawani ng CENRO Cabagan na sina Diosdado Medrano, 55 anyos, isang maintenance man, residente ng Luquilu, Cabagan, Isabela at si Antonio Aggabao, Forester 1, 49 anyos at residente ng Anao, Cabagan, Isabela.
Ayon kay Provincial Director Rejano, lumapit sa kanilang tanggapan ang lider ng mga complainant na pawang bumibili, nagbibiyahe at nagbebenta ng mga softwood tulad ng Gmellina upang isumbong ang mga suspek sa kanilang pangingikil sa kanila.
Aabot lamang sa 115 pesos ang bayad sa permit to travel na ibinibigay ng CENRO sa mga nagbibiyahe ng kahoy ngunit dinadagdagan ng mga suspek ng 2,900 pesos upang mapayagan silang magbiyahe.
Ayon pa kay Rejano, matagal na umanong ginagawa ng mga ito ang kanilang modus at nakabili na sila ng sariling sasakyan.
Wala na aniyang dapat pag-usapan ang NBI Isabela at ng pamunuan ng CENRO Cabagan dahil nahuli sa akto sina Medrano at Aggabao.
Ang dapat nilang gawin ay kumuha ng abogado para sa kasong robbery/extortion at kasong administratibo na isasampa sa mga suspek na nakakulong ngayon sa piitan ng NBI.
Samantala, dismayado ang pamunuan ng CENRO Cabagan matapos na masangkot sa extortion ang dalawang kawani.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CENRO Bernardo Valiente, sinabi niya na nagulat siya matapos na ipabatid sa kanila ng NBI ang naturang pangyayari.
Iginiit niya na hindi siya nagkulang sa pagpapaalala sa kanyang mga tauhan na maging tapat sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Ayon kay CENRO Valiente, matagal nang kawani ng kanilang tanggapan ang dalawa at nakatalaga sa Forestry Utilization Unit.
Kailangang aniyang harapin nina Medrano at Aggabao ang katapat na parusa ng kasong isasampa laban sa kanila.
Tiniyak ni Valiente na mas mahigpit na ang gagawin nilang monitoring, inspection at beripikasyon ng mga kawani ng CENRO Cabagan upang maiwasan ang pangingikil.






