CABAGAN, ISABELA – Dalawang lalaki ang inaresto habang nakatakas ang iba pa matapos matuklasan ng Cabagan Police Station ang isang boarding house na pinagsasagawaan ng pot session sa Barangay Anao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj. Rey Lopez, Hepe ng Cabagan Police Station na ang mga pinaghihinalaang naaresto ay sina Romeo Angobung, tatlumpong taong gulang at Mark Bulan, dalawamput pitung taong gulang, kapwa residente ng Anao, Cabagan, Isabela.
Natuklasan ang isinasagawang pot session ng mga pinaghihinalaan sa isang boarding house matapos magsumbong sa pulisya ang isang concerned citizen.
Ayon kay Major Lopez, inupahan ang boarding house para malayang gumamit ng iligal na droga ang magbabarkada.
Mayroon din silang hinalang may mga bumibili ng droga sa loob ng boarding house dahil may mga pera silang nasamsam sa isinagawa nilang operasyon.
Nahuli ng mga kasapi ng PNP Cabagan ang mga pinaghihinalaan habang gumagamit ng droga ngunit nagawang makatakas ng iba pang pinaghihinalaan.
Nakumpiska sa lugar ang isang pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, labing walong piraso ng empty sachet na may mga residue ng hinihinalang shabu; isang used sachet na may residue ng hinihinalang Shabu, at pitung libong pisong pera.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga pinaghihinalaan.