Nauwi sa suntukan ang pagtatalo ng dalawang lalaki habang nag-iinuman sa Barangay District 1, Cauayan City, Isabela, dahilan upang magtamo ng minor injuries ang isang 26-anyos na delivery boy.
Dakong alas-10:47 ng gabi nitong Setyembre 28 nang makatanggap ng tawag ang Cauayan City Police Station hinggil sa insidente. Agad na rumesponde ang mga pulis at alas-10:54 ng gabi nang makarating sa lugar at makumpirma ang nangyari.
Batay sa paunang imbestigasyon, nag-iinuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan nang magkaroon sila ng pagtatalo ng isa pang lalaki na residente rin ng lugar. Nauwi umano ito sa suntukan bago namagitan ang kanilang mga kapitbahay.
Umalis naman ang suspek matapos ang insidente at tumakas patungo sa hindi matukoy na direksyon.
Dinala ng mga pulis sa pagamutan ang biktima para sa medical examination at kaukulang atensyong medikal. Ini-endorso naman ang insidente sa mga opisyal ng Barangay District 1 para sa nararapat na disposisyon.
Paalala ng pulisya sa publiko na iwasan ang mga pagtatalo na maaaring mauwi sa karahasan at agad humingi ng tulong sa mga awtoridad kung kinakailangan.








