CAUAYAN CITY – Patuloy na binabantayan ng Department of Health (DOH) region 2 ang dalawang lunsod sa rehiyon pangunahin ang Lunsod ng Tuguegarao at Lunsod ng Ilagan dahil maituturing na ang mga itong nasa critical o high risk dahil sa mataas na kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Ayon sa DOH, ang tinitingnang factor kaya itinuring nang nasa critical ang dalawang lunsod ay ang average daily attack rate at ang growth change ng virus sa nasabing mga lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Rio Magpantay ng DOH Region 2, sinabi niya na hiniling na ng dalawang lunsod ang pagkakaroon ng bagong quarantine classification upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Makikipagpulong ang DOH region 2 sa pamahalaang Lunsod ng Tuguegarao upang talakayin kung isasailalim sa sampung araw na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang lugar.
Ayon kay Dr. Magpantay, dapat maging mapagmatyag ang lahat dahil sa paglaganap pa rin ng virus.
Aniya kailangang maisailalim agad sa isolation ang mga nagpopositibo o kaya ay madala sa ospital.
Kailangan ding handa ang mga community isolation units sakaling patuloy ang pagtaas ng mga magpopositibo sa virus.
Unang nagsagawa ng emergency meeting ang DOH region 2 sa Inter-Agency Task Force (IATF), Local Government Units (LGU’s) at mga pribadong ospital at tinalakay ang kahandaan sakaling patuloy ang pagtaas ng mga positibo sa virus at kailangang dalhin ang mga pasyente sa mga pribadong ospital.
Napagkasunduan na maglalaan ang mga pribadong ospital ng 20% sa kanilang mga hospital beds para sa mga covid-19 patients.





