
CAUAYAN CITY – Nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang dalawang kawani ng Governor Faustino N. Dy Sr. Memorial Hospital matapos makasalamuha ang isang nurse na COVID-19 positive.
Inihayag sa Bombo Radyo Cauayan ni Provincial Health Officer Dr. Nelson Paguirigan na hindi isasara ang ospital dahil naagapan at agad na isinailalim sa isolation ang dalawang nagpositibo sa virus na kinabibilangan ng isang nurse at pharmacist.
Ayon pa kay Dr. Paguirigan, naka-quarantine na ang kanilang mga nakasalamuha at isasailalim sa swab test.
Ang dalawang nagpositibo sa virus ay dinala sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Lunsod ng Tuguegarao at hinigpitan ang pagpapatupad ng mga health protocols sa provincial hospital.
Samantala, muling nakapagtala ng 12 bagong COVID-19 positive sa Lunsod ng Ilagan .
Mayroon nang naitalang mahigit 300 na COVID-19 positive sa Lunsod ng Ilagan at mahigit 200 ang aktibong kaso.
Patuloy ang pagsailalim sa swab test sa mga residente na nagkaroon ng direct contact sa mga pasyenteng nagpositibo sa virus.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, sinabi niya na pansamantalang suspendido ang ilang serbisyo ng ospital dahil sa tatlong kaso COVID-19.




