--Ads--
CAUAYAN CITY- Nasawi ang dalawang katao habang nasugatan naman ang isa pa na pawang lulan ng isang Isuzu elf truck matapos itong tumaob at bumangga sa puno sa kahabaan ng Brgy Bangar, Solano, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Solano Police Station, patungong hilagang direksyon ang truck at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper sanhi para tumaob ang truck bago bumangga sa puno ng G-melina.
Dahil sa pagtaob naipit ang dalawang pahinante na edad 33-anyos at 43-anyos na kapwa residente ng Brgy. Abian, Bambang, Nueva Vizcaya.
Bagamat agad nagresponde ang BFP at PNP, ay idineklarang dead on arrival ang dalawang pahinante samantalang sugatan naman ang driver.
--Ads--