Nasawi ang dalawang piloto matapos bumagsak ang isang F-4 Phantom military aircraft sa isang base malapit sa Athens, Greece nitong Sabado habang isinasagawa ang isang airshow.
Ayon sa mga lokal na ulat, hindi pa malinaw ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano at hindi rin nakapag-eject ang dalawang piloto.
Kagagaling lamang umanong lumipad ng aircraft nang bigla itong mawalan ng altitude at bumagsak.
Sumunod ang pagsabog matapos bumagsak ang eroplano, habang libu-libong manonood ang naroon para sa taunang “Athens Flying Week.”
Ilang firefighting aircraft ang ipinadala sa lugar upang apulahin ang apoy na dulot ng insidente.
Dahil sa aksidente, kinansela ang airshow.
Samantala, agad na nagtungo sa lugar ng insidente si Defense Minister Nikos Dendias at kinansela ang nakatakda niyang pagpunta sa Thessaloniki International Fair.





