--Ads--

Nasugatan ang dalawang rider matapos magsalpukan ang minamaneho nilang motorsiklo sa Barangay Buena Suerte, Cauayan City, Isabela, bandang alas-4:30 ng hapon nitong Linggo, Oktubre 25, 2026.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, ang vehicle 1 na Isuzu 125 ay minamaneho ng isang 60-anyos na magsasaka at residente ng Barangay Buena Suerte habang ang vehicle 2 naman na Yamaha Mio Sporty ay minamaneho ng isang 23-anyos na farm attendant at residente ng Barangay Dabburab.

Bago ang insidente, binabagtas ng vehicle 1 ang Farm-to-Market Road sa Purok 5 Barangay Buena Suerte, patungo sa Barangay Labinab. Patimog naman ang direksiyon ng vehicle 2 patungo sa Barangay Culalabat.

Nang makarating ang mga ito sa isang T-intersection ay dito na naganap ang salpukan ng dalawang motorsiklo.

--Ads--

Ayon sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, halos nakapuwesto na sa loob ng sariling linya ang vehicle 1 nang pumasok sa lane nito ang vehicle 2, na naging sanhi ng banggaan.

Kapwa nagtamo ng mga sugat ang dalawang rider at agad na binigyan ng paunang lunas ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922.

Dinala ang rider ng vehicle 1 sa isang pagamutan sa Barangay San Fermin, Cauayan City, bago inilipat sa isa pang pagamutan sa Barangay Cabaruan para sa karagdagang atensiyong medikal.

Samantala, dinala rin sa isang pampublikong pagamutan ang rider ng vehicle 2.

Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang motorsiklo, subalit hindi pa matukoy ang halaga ng mga ito.

Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga ng Cauayan Component City Police Station ang dalawang sasakyan para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon kaugnay ng insidente.