--Ads--

CAUAYAN CITY – Nahuli na ang dalawang suspek sa panloloob sa isang bahay at tindahan sa Brgy. District 3, Cauayan City habang ang isa pang suspek ay nakapagbakasyon na sa ibang lugar.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek na si alyas Balong, labing walong taong gulang, aminado siya na sila ang salarin sa nasabing nakawan kung saan ay biglaan lang din aniya ang kanilang desisyon dala ng impluwensya ng nakalalasing na inumin.

Ang kanyang mga kasama aniya ay kanyang mga kaibigan na kapwa kabataan din, edad labing apat at labing anim.

Isinalaysay ni alyas Balong na ang kanyang kasama na labing apat na taong gulang ang nagdesisyon kung saan sila magnanakaw at naging madali lang aniya na buksan ang bintana ng bahay dahil mayroon silang dala na pliers.

--Ads--

Inamin din ni alyas Balong na ang kanilang ninakaw ay tatlong cellphone, pera, sigarilyo, pagkain, alak, at parcel na kanilang pinaghatiang tatlo.

Sa ngayon aniya, ang kanyang kasama na 14-anyos ay pansamantala munang ibinalik sa pangangalaga ng kanyang mga magulang habang ang 16-anyos na suspek naman aniya ay nasa Laguna na ngayon.

Inamin pa ni alyas Balong na ito na ang pangalawang pagkakataon na nasangkot siya sa nakawan ngunit ibang grupo naman aniya ang kaniyang kasama.

Humihingi naman siya ng paumanhin sa mga biktima at umaasa na hindi na magsasampa ng kaso laban sa kanya.

Naging matagumpay ang pagkakahuli sa dalawang suspek matapos silang mamanmanan ng mga opisyal ng Barangay kabilang na ang mga rumondang tanod.

Ayon kay Kagawad Allan Castillo, may natanggap aniya silang impormasyon na ang mga indibidwal ang salarin sa nangyaring nakawan.

Pumunta aniya sila sa bahay ng mga suspek upang magtanong lamang sana, ngunit tinangka pa umano ng mga ito na tumakas kaya sila hinuli.

Hindi rin aniya agad umamin ang mga suspek ngunit dahil sa nerbyos ay napaamin din nila ang mga ito.

Dinala na rin aniya sa PNP station ang mga suspek ngunit kalaunan ay ibinalik din sa Barangay hall.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang aniya ang kasong isasampa ng mga biktima laban sa mga suspek.

Sa ngayon naman ay nagpapalagay na ng 39 CCTV ang Barangay District 3 Cauayan upang wala nang magtangkang magnakaw pa sa mga susunod na pagkakataon.