--Ads--

‎Dalawang lalaki ang nasugatan matapos mauwi sa pananaksak ang isang alitan na umano’y nagsimula sa pang-aasar sa isang menor de edad sa Purok 7, Dubinan East, Santiago City nitong Marso 17.

‎Kinilala ang mga biktima bilang Alyas Ben, 24-anyos, residente ng nasabing lugar, at Alyas Bogart, 23-anyos, laborer at residente ng Metroville, Rosario, Santiago City. Samantala, ang suspek ay itinago sa alyas na “Jay,” 25-anyos, residente rin ng lugar.

‎Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, isang grupo ng mga indibidwal na umano’y nasa impluwensya ng alak, ang nagtungo sa tirahan ng suspek, na nagdulot ng tensyon sa komunidad. Dahil dito, inatake ang ama ng suspek, dahilan upang rumesponde ang suspek at gumamit ng kitchen knife.

Bunga nito, nasaksak si Alyas Ben sa kaliwang bahagi ng tiyan, habang si Alyas Bogart ay nasugatan sa kaliwang braso nang subukan niyang awatin ang nananaksak.

--Ads--

‎Samantala, ayon naman sa kapatid ng isa sa mga biktima na si Asleyah, nagsimula ang alitan nang pagtripan umano ng suspek ang isang menor de edad.

Aniya, naroon lamang ang biktima upang ipagtanggol ang pinagtritripang kapatid ng kaibigan nito nang biglang naglabas ng kitchen knife ang suspek.

‎Samantala, ani Ginoong Alberto Marcos, tinangka niyang dalhin si Alyas Ben sakay ng kanyang tricycle papunta sa ospital ngunit hinabol sila ng suspek at kasama nito.

Dahil dito, napilitan niyang iwan ang biktima at ang tricycle sa gitna ng daan upang hindi madamay sa insidente.

‎Sa tulong ng punong barangay, rumesponde ang mga barangay tanod at hinarang ang daanan kasama ang mga residente hanggang sa dumating ang mga pulis, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Ayon kay Punong Barangay Rodolfo Inson, nagtulong-tulong ang mga residente upang harangan ang posibleng daanan ng suspek kasama ang ibang kakilala nito.

‎Agad na dinala ang mga biktima sa Southern Isabela Medical Center para sa agarang gamutan.

Narekober din ng mga awtoridad ang kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa krimen at dinala sa himpilan ng pulisya bilang ebidensya.

‎Sa kabila ng insidente, ani Ginoong Samarodin, ama ng isa sa mga biktima, laking pasasalamat niya sa tulong ng mga kapitbahay.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na itutuloy pa rin nila ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.

Samantala, sinampahan ng kasong Frustrated Homicide at Serious Physical Injuries ang suspek na ngayon ay isinailalim sa Inquest proceedings.