CAUAYAN CITY – Dalawang tao na ang naitalang patay matapos malunod sa Ilog Cagayan na nasasakupan ng Barangay Annafunan, Echague, Isabela sa loob ng 3 araw lamang.
Ang biktimang si Glen Macarilay, 10 anyos na residente ng purok uno Dammang West, Echague, Isabela ay nalunod kahapon.
Kasama umano ng bata ang mga kaibigan na naligo sa ilog ngunit dahil sa hindi marunong lumangoy ay nalunod.
Humingi ng tulong ang mga kaibigan ng biktima at nakuha ang katawan ng bata na agad dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Samantala, noong Marso 20, 2018 nauna nang napaulat na namatay din dahil sa pagkalunod sa nasasakupan ng ilog Cagayan si Christian Busto, 18 anyos na residente ng Purok 2 Sillauan Norte, Echague, Isabela.




