Kahit matagal nang batas ang 20% discount para sa mga senior citizen at Person with Disability (PWD), hindi pa rin ito lubos na nararamdaman ng mga residente ng San Mariano, Isabela.
Ito ang naging hinaing ni Liga ng mga Barangay President Eduardo Viernes sa isinagawang pulong ng Municipal Council.
Ikinuwento niya na bumili siya ng gamot sa isang botika sa naturang bayan ngunit 5% lamang ang diskwentong nakuha niya sa biniling branded na gamot.
Nagpatawag ng pulong ang Committee on Social Services and Development na dinaluhan ng iba’t ibang sektor, partikular ng mga may-ari ng botika at kinatawan ng transport sector.
Ayon sa mga may-ari ng botika, kaya nilang magbigay ng 20% discount ngunit para lamang sa mga generic medicine. Para naman sa mga branded, nasa 5–10% lamang ang kaya nilang ibigay dahil sa mataas na presyo ng mga ito.
Samantala, sinabi ng transport sector na kaya ng mga jeepney operators na magbigay ng 20% discount, ngunit ang ilang tricycle drivers ay hirap magpatupad nito dahil mas maliit ang kanilang kita sa pamamasada.
Ayon kay SB Member John Carlo Sumisim, pinuno ng Committee on Social Services and Development, nauunawaan nila ang sitwasyon ng transport sector dahil sa pabago-bagong presyo ng petrolyo at sa hindi pa na-update na fare matrix.
Nabanggit din sa pulong ang hindi pagbibigay ng discount ng ilang kainan, restaurant, at grocery stores.
Upang mas mapag-usapan ang hinaing ng mga senior citizen at PWD, muling magsasagawa ng committee hearing sa unang araw ng Setyembre.
Padadaluhin sa nasabing pulong ang mga may-ari ng karinderya, grocery stores, hardware stores, at kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) upang malaman ang kanilang panig sa usapin.











