Inihayag ni North Korean leader Kim Jong Un ang layunin na palawakin pa ang nuclear arsenal at operational range ng North Korea, at nanawagan sa Estados Unidos na kilalanin ang bansa bilang isang nuclear power.
Sa kanyang talumpati sa Ninth Congress ng Workers’ Party of Korea sa Pyongyang, sinabi ni Kim na maaaring magkaroon ng maayos na ugnayan ang North Korea at Estados Unidos kung kikilalanin ng Washington na mananatili ang kanilang nuclear weapon at ititigil ang umano’y hostile policy laban sa kanila.
Binigyang-diin din niya na nakasalalay sa magiging hakbang ng Estados Unidos ang hinaharap ng relasyon ng dalawang bansa, at handa umano ang North Korea sa alinman sa mapayapang komunikasyon o tuluyang komprontasyon.
Samantala, mas pinatindi ni Kim ang pahayag laban sa South Korea, na tinawag niyang “most hostile entity” ng kanilang bansa. Aniya, tuluyan nang aalisin ang Seoul sa kategorya ng mga kababayan nila at iginiit na ang tanging paraan upang manatiling ligtas ang South Korea ay ang paglayo nito sa anumang may kinalaman sa North.











