Umabot sa 212 senior citizens sa Cauayan City na may edad 80, 85, 90, at 95 ang nakatanggap ng tig-P10,000 na ayuda sa ilalim ng programang Expanded Centenarians Act, sa pangunguna ng National Commission on Senior Citizens (NCSC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Ester Tuliao, presidente ng samahan ng mga senior citizen sa Brgy. Turayong, sinabi niya na siyam na residente ng kanilang barangay na benepisaryo at may edad 80 hanggang 95 ang nabigyan ng ayuda.
Bukod dito, isang centenarian mula rin sa nasabing barangay ang nakatanggap ng P100,000 na insentibo mula sa pamahalaan.
Malaking tulong umano ang ibinibigay ng NCSC sa mga senior citizen, dahil nagsisilbi itong motivation para lalong pangalagaan ang kanilang kalusugan at sarili upang makakuha pa ng iba pang benepisyo mula sa gobyerno.
Ayon sa Office of the Senior Citizen, tuloy-tuloy pa rin ang pagtanggap ng mga dokumento mula sa mga nagnanais na mapasama sa susunod na batch ng mga benepisyaryo.











