CAUAYAN CITY – Umabot sa 24 ang kumpirmadong patay habang mahigit 20 ang malubhang nasugatan sa pagkahulog ng Leo Maric mini bus sa malalim na bangin sa Capintalan, Carranglan, Nueva Ecija kaninang alas onse ng umaga.
Ang bus ay galing kaninang umaga sa Ilagan City papuntang Ilocos-Abra Area at umaabot sa 45 ang sakay nito kabilang ang driver at konduktor.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni SFO1 Charlene Espiritu ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Dupax del Sur, Nueva Vizcaya na kasama sa mga rescue and retrieval team na nagtamo ng mga malubhang sugat at bali sa katawan ang maraming biktima.
Karamihan aniya sa mga namatay ay mga babae.
Sinabi naman ni Forester Jun Simeon ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Sta Fe, Nueva Vizcaya na alas onse y medya nang makarating sila sa crash site.
Nagtulungan ang mga rescue teams mula sa hanay ng PNP, Philippine Army, Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang grupo mula iba’t ibang bayan sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija sa pagkuha sa katawan ng mga pasahero ng bus.
Ang mga nasugatan ay dinala ng maraming ambulansiya sa mga ospital sa bayan ng Aritao, Dupax del Sur, Bambang at Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sinabi ni Forester Simeon na nagkahiwa-hiwalay ang mga parte ng bus dahil sa lakas ng impact ng pagkahulog sa tinatayang 150 feet na bangin.
Pahirapan ang pagkuha sa katawan ng mga nasawi at nasugatan dahil sa lalim ng bangin.
Ang stretcher kung saan isinasakay ang mga biktima ay itinatali sa malaking lubid at hinihila pataas ng maraming rescuer para makuha ng mga ambulansiya at madala sa mga ospital ang mga nasugatan.
Sinasabing bumulusok ang bus sa pababang bahagi ng daan hanggang mahulog sa bangin matapos mawalan umano ng preno.
Ang konduktor ng bus ay sinasabing nakatalon habang ang driver ay kasama umano sa mga namatay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Randy Blanco, chapter administrator ng Philippine Red Cross (PRC) sa Nueva Vizcaya, operation section chief ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Nueva Vizcaya na pangunahing nagsagawa ng rescue at retrieval operation, sinabi niya na ang mga tauhan ng PNP, Philippine Army, BFP, mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng ibat ibang bayan sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija ang nagtulungan para makuha ang mga biktima mula sa malalim na bangin.




