Dalawampu’t limang aspiring online freelancers ang napili mula sa humigit-kumulang 400 registrants para sa SPARK Technical Training 2026 na nakatuon sa General Virtual Assistance.
Ang naturang aktibidad ay isang libreng digital skills training sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Isabela sa pamamagitan ng Public Employment Service Office o PESO Isabela at Department of Information and Communications Technology o DICT.
Layon ng programa na mabigyan ng karagdagang kaalaman at kasanayan ang mga kalahok na nais pasukin ang larangan ng virtual assistance at iba pang online work, partikular sa paggamit ng iba’t ibang digital tools na makatutulong sa paghahanap ng trabaho sa digital economy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Project Development Officer Maria Kristine Valdez ng ICT Literacy and Competency Development Bureau o ILCDB ng DICT Region 2, sinabi niya na ang SPARK program ay isang digital skills training initiative ng DICT na naglalayong magbigay ng upskilling at reskilling sa mga Pilipinong manggagawa, kabilang na ang mga nagnanais maging online freelancers.
Para sa naturang batch, 25 lamang ang available na training slots kaya isinailalim sa screening ang mga aplikante mula sa 400 registrants.
Kabilang sa mga pangunahing qualification ang pagkakaroon ng basic digital knowledge, sariling laptop o desktop computer, at stable internet connection.
Isinasagawa ang libreng face-to-face training mula ngayong October 5 hanggang October 9, 2026, sa Conference Hall ng Food Court sa Alibagu, Ilagan City, Isabela.
Matapos ang face-to-face training, susundan ito ng 15 araw na guided online employment and client acquisition campaign upang matulungan ang mga kalahok na magamit ang kanilang mga natutuhang skills at magkaroon ng oportunidad na makahanap ng trabaho o kliyente online.





