CAUAYAN CITY – Nagpatupad ng mga hakbang ang Pamahalaang lunsod ng Cauayan mula nang ipinairal ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) para maging ligtas ang mga mamamayan sa Coronavirus Disease (COVID-19) at para matulungan ang mga apektadong sektor.
Sa kanyang City Address dakong 10am ng April 6, 2020, iniulat ni Mayor Bernard Dy na may 144 Persons Under Monitoring (PUM) at 4 na Persons Under Investigation (PUI) sa Cauayan City na kailangan na bantayan at alagaan para patuloy maprotektahan ang bawat isa kontra COVID 19.
Bilang pagtalima sa mga guidelines ng ECQ, sinabi ni Mayor Dy na ipinatupad ng pamahalaang lunsod ang Stay at Home ordinance para limitahan ang galaw ng mga mamamayan.
Ipinatupad din ang liquor ban at citywide curfew mula 8pm hanggang 5am habang 24 hours na curfew sa mga menor de edad at senior citizens.
Ayon pa kay Mayor Dy, naglaan ang pamahalaang lunsod ng 100 million pesos na pondo para sa mga programa at expenses sa paglaban sa COVID 19 at matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong sektor.
Kabilang din sa nasabing pondo ang pagkakaloob ng hazard pay at araw-araw na pagkain ng mga health workers at frontliners na kabilang sa Incident Management Team gayundin ang pagbili ng mga alcohol at face mask para sa mga ospital.
Kasama rin sa 100 million pesos na pondo ang financial assistance para sa 5,457 tricycle driver kasama ang extension renewal ng kanilang prangkisa hanggang June 30, 2020 nang walang penalty.
Ang Cauayan City agriculture Office ay nagkaloob ng mga buto ng gulay para sa sustainable farming.
Magkakaloob din ang pamahalaang lunsod ng Economic Relief Assistace (ERA) pagkatapos ng community quarantine period.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay magbibigay ng ayuda sa pamamagitan ng Social Amelioration Program (SAP) habang ang Departyment of Labor and Employment (DOLE) ay sa mga no work no pay sa pribadong sektor habang ang Department of Agriculture (DA) ay tulong para sa mga magsasaka.
Nilinaw ni Mayor Dy na sa Social Amelioration Program ng DSWD, hindi lahat ng sektor ay mabibigyan ng ayuda,
Ang national government ay naglaan lamang sa Cauayan City ng 23,000 slots mula sa 46,000 na pamilya kaya pipiliin ang mga karapat-dapat na mabigyan ng tulong.
Ayon kay Mayor Dy, ang pamamahagi ng relief goods sa unang at ikalawang linggo ng ECQ ay mula sa pondo ng pamahalaang barangay, habang ang LGU ay nakapagbigay ng 24,198 relief packs sa mga pinaka-apektadong pamilya.
Sa 3rd wave ngayong linggo ay magkakaloob ang pamahalaang lunsod ng 25 kilos na rice subsidy sa 40,000 na pamilya.
Matapos ang Holy Week ay sisimulan ang pamimigay ng tulong sa ilalim ng Social Amelioration Program, gayundin ang pamamahagi ng relief goods na dalawang kilo ng bigas at sardinas mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ito ay dadagdagan pamahalaang lunsod ng Cauayan para matiyak ang sapat na pagkain sa ikalimang linggo ng quarantine.