--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang Regional Director ng Police Regional Office (PRO2) kaugnay ng pagsibak sa maraming hepe ng pulisya sa Lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay BGen. Angelito Casimiro, Regional Director ng PRO2, sinabi niya na ang pagsibak sa 25 na hepe ng pulisya sa region 2 ay batay sa programa ni PLt. Gen. Archie Gamboa, Officer in Charge ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit na subaybayan ang performance ng bawat unit ng pulisya mula sa national headquarters patungo sa mga police regional offices sa bansa.

Ito ang dahilan kaya nang umupo siya bilang regional director ng PRO2 ay sinabi niyang bukas ang lahat ng posisyon sa buong rehiyon.

Nagkaroon ng evaluation sa lahat ng mga chief of police, provincial director, city police director at mobile force companies para sa kanilang performance.

--Ads--

Ayon kay BGen. Casimiro, 60% ang unit performance evaluation rating, 25% ang kanilang focus directives gaya ng pagpapatupad sa End Local Communist Armed Conflict (ELCAC), anti-drug operation, body mass index (BMI) anti-illegal gambling operation at ang 15% ay aptitude ng mga commanders.

Aniya, ang magbibigay ng rating ng mga commanders ay ang kanilang provincial director, city police director at mobile force commander.

Ayon pa kay BGen. Casimiro, ito ang unang balasahan sa PRO2 at naapektuhan ang 25 chief of police at apat na chief ng provincial branch at isang force commander.

Ang pagsibak sa puwesto ng maraming hepe ng pulisya sa rehiyon ay magsisilbing wake up call sa kanila at marapat lamang na ipakita nilang karapat-dapat silang maging hepe ng pulisya sa ibibigay sa kanilang bagong posisyon.

Ito ay para sa ikabubuti ng bawat istasyon na dati nilang pinamunuan.

Inihayag din niya na dumaan siya sa evaluation at ang nag-evaluate sa kanya ay ang kanilang national headquarters.

Masaya siya dahil sa buong bansa, nanguna ang PRO2 nang ihayag ang kanilang rating sa Malakanyang noong Oktubre 2019.

Magkakaroon ulit sila ng pangatlong evaluation sa Enero, 2020 at pagkatapos nito ay susunod din ang bawat unit sa mga rehiyon.

Nagpasalamat si BGen. Casimiro sa mga himpilan ng pulisya dahil sa pagtutulungan para sa ikakabuti ng rehiyon pangunahin na kapag may sakuna tulad ng bagyo at sa mga naranasang pagbaha sa maraming bayan at lunsod sa region 2.

Ang tinig ni PBGen. Angelito Casimiro