--Ads--

Kinasuhan na ang tatlong babae na umano’y sangkot sa pagnanakaw ng mamahaling alahas sa loob ng isang mall sa Barangay Mabini, Santiago City, habang patuloy silang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Stephen Carandang, Operation Officer ng Santiago City Police Station 4, sinabi nito na pumasok sa isang jewelry store ang tatlong suspek na pawang nakasuot ng face mask at nagpanggap na mga kostumer.

Ayon sa salaysay ng sales lady, inabala o nilito umano ng mga suspek ang tindera sa pamamagitan ng pagpapakita ng interes sa iba’t ibang alahas. Kalaunan ay nagpaalam ang mga ito na babalik na lamang.

Ngunit ilang sandali matapos umalis ang mga suspek, napansin ng mga empleyado na may nawawalang dalawang alahas na kanilang ibinalik sa display at dito na natuklasan nila ang insidente ng pagnanakaw.

--Ads--

Tinatayang nagkakahalaga ng ₱466,000 ang isang nawawalang alahas, habang umaabot naman sa ₱464,000 ang isa pang bracelet.

Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya, kabilang ang backtracking gamit ang CCTV cameras sa loob at paligid ng establisyemento, na nagresulta sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Matapos ipakita ang mga nakuhang larawan sa mga biktima, positibo nilang kinilala ang tatlong indibidwal bilang sangkot sa insidente.

Sa kasalukuyan, kinasuhan na ng theft ang mga suspek at tinanggap na ito ng piskalya, habang nagpapatuloy ang follow-up operations para sa kanilang agarang pagkakaaresto.