--Ads--

Nasawi ang tatlong magkakaibigang estudyante matapos malunod sa Avvu River na sakop ng Purok 7, Brgy. Sisim Alto, Tumauini, Isabela.

Ang mga biktima ay kinabibilangan ng isang 19-anyos, residente ng Brgy. Magassi, Cabagan; 19-anyos na residente ng Brgy. Balasig, Cabagan at 19-anyos na residente ng Brgy. Balug, Tumauini, Isabela.

Ang mga biktima ay 2nd year student sa Isabela State University sa kursong Bachelor of Science in Information Technology (BSIT).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao, Chief of Police ng Tumauini Police Station, sinabi niya na hapon ng June 10, 2025 nang makatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa isang concerned citizen na may natagpuang katawan ng lalaki na palutang-lutang sa ilog sa bahagi ng Brgy. Sisim Alto.

--Ads--

Agad namang nagtungo sa lugar ang mga pulis kasama ang ilang kasapi ng Resceu 811 at naabutan ang wala nang buhay na katawan ng isang lalaki.

Nagsagawa naman ng search and retrieval operation ang mga kawani ng Rescue 811 na nagresulta sa pagkakarekober sa katawan ng dalawa pang biktima sa ilalim ng tubig.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na nagkayayaang magtungo sa ilog ang mga biktima para magpicnic at maligo.

Ayon kay PMaj. Aggabao, posibleng kakarating lamang ng mga biktima sa lugar dahil hindi pa nila nabubuksan ang dala nilang pagkain at softdrinks.

Dinala pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklara na silang dead on arrival ng attending physician.

Aniya una na nilang ipinagbawal ang pagtungo ng mga turista sa bahaging ito ng ilog dahil may mga nauna nang nalunod dito noong Semana Santa.

May nakalagay ding karatula sa lugar at nilagyan ng bato ng mga nagsasagawa ng quarry para wala nang magtungo para maligo ngunit nagtungo pa rin dito ang mga biktima.

Makitid lamang aniya ang bahaging ito ng ilog ngunit malalim at malamig kaya maraming gustong maligo.

Dahil sa pangyayari ay hihilingin nila sa lokal na pamahalaan na patambakan ng bato at buhangin ang bahaging ito ng ilog para mas mababaw na para sa mga naliligo.