--Ads--

Natapos na ang probation supervision ng tatlong indibidwal sa Isabela matapos maglabas ng termination order ang korte noong unang linggo ng Nobyembre dahil sa pagtupad ng mga ito sa mga itinakdang kondisyon ng kanilang probation.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Pedro Almeda Jr., Chief Parole and Probation Officer, sinabi nitong kabilang sa mga ito ang isang residente ng Alicia na nahatulan sa kasong acts of lasciviousness, habang ang dalawa pa ay may kaugnayan sa kasong slander by deeds.

Ipinaliwanag ni Almeda na nangangahulugan ang termination order na matagumpay nang nakumpleto ng mga indibidwal ang kanilang probation at hindi na kinakailangang sumailalim pa sa monitoring ng probation officers.

Alinsunod sa Section 16 ng Probation Law of 1976, na inamyendahan ng Republic Act No. 10707, maaaring ipagkaloob ng korte ang final discharge sa probationer kapag natupad nito ang lahat ng kondisyong itinakda.

--Ads--

Sa ilalim nito, naibabalik din ang mga karapatang sibil na nawala o nasuspinde dahil sa conviction at napapawalang-bisa ang criminal liability kaugnay ng kasong pinagkalooban ng probation.

Samantala, mas mataas ang bilang ng mga nakatapos ng probation supervision noong Oktubre, kung saan 21 indibidwal ang nabigyan ng termination order.

Inaasahan ni Almeda na madaragdagan pa ang bilang ng mga makatatapos ng kanilang probation sa mga susunod na araw habang hinihintay ang iba pang desisyon ng korte.

Layunin ng probation system na mabigyan ng pagkakataong magbago at makapagbagong-buhay ang mga kwalipikadong nagkasala sa pamamagitan ng community-based supervision sa halip na pagsisilbi ng sentensiya sa kulungan.