CAUAYAN CITY– Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng Aurora Police Station sa pagdukot ng mga armadong kalalakihan sa tatlong kargador ng palay sa barangay Santa Rita, Aurora, Isabela.
Ang mga nadukot ay sina Alfredo Francisco,35 anyos; Jill Gazzingan, residente ng District 3, Cauayan City at isang Joseph Allisen, residente ng San Isidro, Cauayan City, pawang mga kargador ng mga palay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PStaff Sgt. Rogelio Corpuz Jr. Investigator ng Aurora Police Station na iniulat sa kanilang himpilan ng mga kasamahan ng mga biktima ang pangyayari kaya agad silang nagsagawa ng pagsisiyasat.
Ayon sa kanilang isinagawang validation, mayroong dalawang sasakyan lulan ang mga armadong kalalakihan at dinukot ang tatlong biktima .
Batay sa kanilang pagsisiyasat ang mga biktima ay inutusan ng kanilang amo na si James Lai ng Cauayan City upang magkarga ng mga palay kay Ginoong William Uy ng Aurora, Isabela at habang nagpapahinga at hinihintay ang pag-scale ng mga palay ang mga kargador ay biglang dumating ang halos walong armadong kalalakihan na sakay ng Toyota Grandia at Toyota Revo at tinangay ang mga biktima.
Samantala, nanginginig pa rin habang binabalikan at isinasalaysay sa Bombo Radyo Cauayan ang nangyari sa kanila matapos padapain at dukutin ang tatlo nilang kasamang kargador .
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kina Froiland Carabaccan at Gaspar Carawi hindi pa rin sila makapaniwala na buhay pa sila matapos ang pangyayari.
Sinabi nila na labing isa silang magkakasama na naghihintay sa kanilang sasakyan na nagpa-scale ng kanilang karga nang bumaba sa dalawang sasakyan ang mga armadong kalalakihan na nakabonete at sila ay pinadapa habang pinaghihila ang iba sa kanila.
Si Carawi ang isa sana sa dudukutin ng mga armadong lalaki ngunit nakatakas siya dahil kumapit siya sa kahoy na malapit kanyang pinagdapaan.
Anya inisip na lamang niyang lumaban kaysa sa madukot siya ng mga armadong kalalakihan.
Sinabi naman ni Froilan Carabaccan nang pinadapa sila ay dumapa na lamang at hinintay na wala nang ingay.
Nang bumangon siya ay wala nang kasamahan at nagkanya kanya nang nagtakbuhan.
Samantala, ayon naman kay Norberto Gazzingan, kapatid ng isa sa mga dinukot na si Jill Gazzingan patuloy ang kanilang paghahanap sa kapatid.
Batay anya sa manghuhula sa Lunsod ng Baguio ang katawan ng kapatid na wala nang buhay ay nasa boundary ng Quezon, Isabela at Tabuk City, Kalinga kayat naghanap sila sa nasabing lugar ngunit wala namang nakita.





