Nasawi ang tatlong katao, kabilang ang isang bata, matapos magkaroon ng problema ang isang inflatable dinghy na lulan ng mga migrante habang sinusubukang tumawid sa English Channel mula France patungong United Kingdom.
Ayon sa French maritime authorities, nakatanggap sila ng distress call mula sa bangkang may sakay na 105 katao na nagkaproblema sa karagatan malapit sa baybayin ng Wissant sa hilagang bahagi ng France.
Agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad at nailigtas ang iba pang mga pasahero. Dinala ang mga ito sa ligtas na lugar para mabigyan ng kinakailangang tulong.
Batay sa paunang impormasyon, hindi lumubog ang bangka ngunit humiling ng pagsagip ang lahat ng sakay nito.
Tinatawag na “taxi boat” ang naturang uri ng bangka na ginagamit upang sunduin ang mga migrante mula sa mababaw na bahagi ng dalampasigan bago tumulak patungong United Kingdom.
Patuloy namang nahaharap ang France at United Kingdom sa hamon ng ilegal na pagtawid ng mga migrante sa English Channel, na itinuturing na isa sa mga pinakaabalang shipping routes sa buong mundo.
Noong nakaraang taon, hindi bababa sa 29 migrante ang nasawi sa pagtatangkang tumawid sa naturang ruta, ayon sa datos mula sa mga awtoridad ng France at United Kingdom.








