CAUAYAN CITY – Patay ang tatlong tao sa magkakahiwalay na “shooting incident” sa isang araw sa Isabela na naganap kahapon, araw ng Linggo.
Naganap ang unang pamamaril sa Santiago City kung saan nabaril patay ang isang Sales Agent na si Jayson Tinio, 31 anyos at residente ng Barangay Mabini, Santiago City matapos tambangan ng supek habang pauwi na sa kaniyang apartment kasama ng kinasama nito.
Maswerte namang nakaligtas sa pamamaril ang kaniyang kinakasama.
Pangalawa ay sa Benito Soliven kung saan 1 ang patay habang dalawang iba pa ang nasugatan sa pamamaril ng suspek na nakilalang si Balong Mundo habang nasa loob nang kanilang bahay ang mga biktima.
Ang namatay ay si Victor Cacbay, 47 anyos habang ang mga nasugatan ay sina Remedios Cacbay, 60 anyos at Jerome Padilia, 8 anyos at kapwa residente ng Barangay Balliao, Benito Soliven, Isabela.
Ang pangatlo ay ang pagkakabaril-patay ni Ernesto Cristobal, 64 anyos na residente ng barangya Faustino, Cauayan City.
Tinutugis pa rin ng mga alagad ng batas ang suspek na si Mario Legaspi, nasa tamang edad , magsasaka,at residente ng Brgy. Faustino, Cauayan City na kaagad tumakas matapos ang krimen.




