--Ads--

Tatlong hinihinalang lumang bomba ang natagpuan sa Barangay Tactac sa loob lamang ng isang linggo, dahilan upang itaas ang antas ng alerto sa bayan ng Santa Fe, Nueva Vizcaya.

Nitong Oktubre 6, 2025, isang construction worker na si Steven Attiw ang nakahukay ng bomba sa isang construction site sa Atinan Residence.

Makalipas ang isang linggo, noong Oktubre 13, 2025, dalawang kahalintulad na bomba naman ang nadiskubre ni Toy-an Balodbod Gatchalian, isang magsasaka, sa kanyang bakuran sa Dominga Daisan Residence.

Sa parehong mga insidente, mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 205th Maneuver Company ng RMFB2, at ng Santa Fe Municipal Police Station. Agad nilang kinordon ang lugar at nakipag-ugnayan sa Nueva Vizcaya Provincial Explosives and Canine Unit para sa masusing pagsusuri.

--Ads--

Ayon kay PCOL Victor Pagulayan, ang insidente ay nagpapakita ng kahalagahan ng pakikiisa ng publiko sa pagpapanatili ng seguridad ng komunidad. Binibigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maagap na aksyon ng mga otoridad at ng pagiging mapagmatyag ng mga residente.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon, at hinihimok ang lahat ng mamamayan na manatiling alerto at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang bagay o aktibidad sa kanilang komunidad.