CAUAYAN CITY – Tatlong mangingisda mula sa Brgy. Reina Mercedes, Maconacon ang nailigtas ng mga tauhan ng Maconacon Patrol Base matapos silang masangkot sa aksidente habang tumatawid sa Dicatayan River gamit ang isang motorized boat.
Kinilala ang mga nasagip na sina Matting Tomas, 22 anyos; Rey Castillo, 23 anyos; at Kenneth Merin, 34 na taong gulang.
Bandang alas-6:30 ng gabi nang tumama ang propeller ng kanilang bangka sa isang bato na naging sanhi ng pagkasira ng bangka at pagkaladkad ng malakas na agos ng ilog patungo sa dagat.
Sa gitna ng dilim at malakas na alon, nagawa nina Tomas at Castillo na makarating sa dalampasigan matapos makita ang liwanag mula sa Canadam Patrol Base.
Agad nilang naiulat ang pangyayari ngunit si Merin ay naiwan at nawawala.
Agad na nag-organisa si TSg Diosdado Q. Reyes Jr., Patrol Base Commander, kasama si Sgt Randy O. Madayag at isang squad ng CAA upang magsagawa ng paghahanap.
Sa kabutihang-palad, natunton si Merin sa tulong ng mga flashlight ng tropa na nagsilbing gabay upang makalapit siya sa dalampasigan.
Kaagad na nilapatan ng paunang lunas ang mga mangingisda sa kanilang mga sugat at itinurn-over sila sa mga opisyal ng barangay Reina Mercedes.











