--Ads--

Umaaray na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang mga modern jeepney driver sa lungsod ng Cauayan.

Ayon sa ilang modern jeepney drivers, isa sa kanilang pangunahing alalahanin sa kasalukuyan ay kung paano nila matutugunan ang mga kinakailangang remittance na ibinabayad nila sa kanilang kooperatiba kada buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jay-Ar Barion, isang modern jeepney driver sa lungsod, sinabi nitong mas mabigat ang sitwasyon ng mga namamasada ng modern jeepney kumpara sa mga tradisyunal na jeepney driver.

Paliwanag ni Barion, kung sa tradisyunal na jeepney ay iniintindi lamang ng mga driver ang kanilang kita at ang gastos sa gasolina, sa modern jeepney naman ay may obligasyon silang bayaran na remittance sa kooperatiba kada buwan.

--Ads--

Dahil dito, sinabi niyang hindi sila maaaring basta tumigil sa pamamasada dahil kailangan nilang maabot ang itinakdang deadline ng remittance upang magpatuloy ang operasyon ng kanilang mga sasakyan.

Sa ngayon, hinihintay pa aniya nila kung ano ang magiging direktiba ng kanilang kooperatiba kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Kabilang sa mga posibleng hakbang na kanilang tinitingnan ay ang pansamantalang pagbaba ng halaga ng remittance na ibinabayad ng mga driver o kaya naman ay pansamantalang pagpapahinto sa pamamasada ng ilang unit ng modern jeepney.

Dagdag pa ni Barion, hindi lamang ang mga driver at operator ang apektado sa kasalukuyang sitwasyon kundi maging ang buong kooperatiba na umaasa rin sa operasyon ng mga modern jeepney.

Binigyang-diin din niya ang pangamba ng mga driver kung paano nila maipagpapatuloy ang kanilang hanapbuhay sakaling magtuloy-tuloy pa ang mataas na presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.