CAUAYAN CITY – Nasawi ang tatlong menor de edad na magpipinsan matapos na malunod kaninang tanghali ngayong July 21, 2023 sa dating pinagminahan na may lawak na 400 hanggang 500 square meters sa boundary ng San Fermin, Cauayan City at Luna, Isabela.
Malalim at puno ng tubig ang dating pinagminahan na naging lawa na dahil sa pag-ulan sa mga nagdaang araw.
Ang mga biktima ay sina Angie Palma, 14 anyos; Shayna Padua, 12 anyos at Danica Mae Padua, 8 anyos, pawang residente ng Tagaran, Cauayan City.
Sinabi ng ama ng isa sa mga biktima na namasyal ang mga bata sa kanila ng tito sa San Fermin, Cauayan City at hindi nila alam na nagpunta at naligo sila sa nasabing lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi naman ni Ginoong Henry Gammad, team leader ng Cauayan City Elite Search and Rescue Squad ng Rescue 922 na naisugod ang mga biktima sa magkahiwalay na pribadong ospital ngunit hindi na sila na-revive ng mga doktor.
Agad silang nagtungo sa lugar para maitawag sa kanila ang pangyayari ngunit pagdating nila sa lugar ay naiahon na ang katawan ang mga biktima at dinala nila sa ospital ngunit hindi na sila na-revive ng mga doktor.
Nagkayaan ang mga magpipinsan na maligo sa nasabing lugar. May mayroon silang kasama na hindi naligo at siyang humingi ng tulong nang makitang nalulunod ang mga biktima.