CAUAYAN CITY – Nasawi ang tatlong katao habang nasugatan naman ang tatlong iba pa sa karambola ng tatlong motorsiklo sa Victoria, Mallig, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Richard Binalay, Deputy Chief of Police ng Mallig Police Station, sinabi niya na bago ang insidente ay binabagtas ng Honda XRM na minamaneho ni Julius Ceasar ang pambansang lansangan patungong timog na direksyon sakay ang backride nito na si Albert Bolivar na kapwa residente ng Maligaya, Mallig, Isabela.
Nag-overtake umano ito sa sinusundan nitong 4-wheel vehicle at habang nasa proseso ng pag-overtake ay sumalpok ito sa kasalubong na Suzuki Smash na motorsiklo na minamaneho ni Russel Antonio na residnete ng Manano, Mallig, Isabela at ang angkas nito na si Justine.
Dahil sa lakas ng impact ay nadamay rin sa insidente ang isa pang kasalubong na motorsiklo na kinalululanan nina Joel Verrano ng Carmencita, Delfin Albano at John Ray na mula naman sa Manano, Mallig, Isabela.
Dead on the spot si Antonio habang dead on arrival naman sa pagamutan sina Justine at Julius Ceasar.
Nagtamo naman ng sugat ang tatlong iba pa na ngayo’y nagpapagaling na sa pagamutan.
Ayon kay PCapt. Binalay, wala naman umano ni isa sa mga sangkot ang nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin at sadyang hindi lang umano natansya ni Julius Ceasar ang pag-overtake nito.
Wala rin umanong suot na helmet ang mga biktima.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng kapulisan hinggil sa insidente.