Naibalik na ang suplay ng kuryente sa tatlong substation ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC General Manager Glenmark Aquino ng ISELCO I, sinabi niya na kakaunti lamang ang pinsalang naitala sa kanilang mga power line ngayong pananalasa ng Bagyong Uwan, kumpara sa naging epekto ng Bagyong Nika noong nakaraang taon.
Aniya, tuloy-tuloy ang isinasagawang power restoration sa kanilang service area at patuloy na inaayos ang mga naputol na kable.
Sa ngayon, energized na ang Batal Substation sa Santiago City, Alicia Substation, at Ramon Substation.
Dalawang substation naman ang hindi pa energized dahil sa pagbaha, partikular sa Paddad Substation at Frenza Substation.
Samantala, may mangilan-ngilan pang linya silang nasira. Gayunman, tiniyak nila na oras na manumbalik ang kuryente sa kanilang mga substation ay sisimulan din ang pagpapanumbalik ng suplay sa mga inner line.
Dahil hindi pa energized ang substation sa Paddad, Alicia, wala pa ring suplay ng kuryente sa bahagi ng Angadanan at San Guillermo, Isabela, habang nasa 50% pa lamang ng mga barangay sa Cabatuan ang may ilaw.
Sa Cauayan City, tanging ang District 1 Substation pa lamang ang energized.
Hinihintay naman ngayon ang clearance mula sa line maintenance team sa Echague, Isabela upang maibalik na ang kuryente sa ilang bahagi ng naturang bayan. Ganito rin ang sitwasyon sa iba pang mga bayan na sakop ng ISELCO I.











