Arestado ang isang lalaking itinuturing na wanted person matapos ipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya sa Lungsod ng Cauayan, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alyas ‘ Totoy’ , 30-anyos, isang trailer driver at residente ng Purok 7, Sipat Street, Cauayan City.
Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station (CCPS), dakong alas-2:30 ng hapon noong Marso 21, 2026 nang isagawa ang operasyon sa Barangay District III.
Pinangunahan ito ng mga tauhan ng CCPS sa ilalim ng pamumuno ni PCPT Arvin A. Asuncion, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya.
Isinilbi ang warrant of arrest laban sa suspek para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property na inisyu ng Metropolitan Trial Court sa Malabon City, Branch 56 noong Pebrero 9, 2026.
May itinakdang piyansang nagkakahalaga ng ₱30,000 para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Ayon sa pulisya, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine at Anti-Torture Act of 2009 sa wikang kanyang nauunawaan. Gumamit din umano ng alternative recording device ang mga operatiba sa kabuuan ng pag-aresto upang matiyak ang maayos na dokumentasyon.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa booking at dokumentasyon bago ito iharap sa korte na naglabas ng warrant.
Patuloy namang pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na makipagtulungan sa mga operasyong tulad nito upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad.











