Umabot sa 30 Chinese vessels ang namataan ng Philippine Navy sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) mula Marso 1 hanggang Marso 8.
Sa Bajo de Masinloc, 11 barko ang na-monitor, kabilang ang apat na People’s Liberation Army Navy (PLAN) at pitong China Coast Guard (CCG) vessels.
Sa Ayungin Shoal, walong barko ang nakita, isa sa PLAN at pitong CCG vessels.
Sa Escoda Shoal, pitong barko rin ang namataan, tatlo PLAN at apat CCG, habang sa paligid ng Pagasa Island, apat na barko ang na-obserbahan, isa PLAN at tatlo CCG vessels.
Mas mababa ang bilang ngayong linggo kumpara sa 34 Chinese vessels na na-monitor mula Pebrero 22 hanggang Marso 1.
Patuloy ang tensyon sa South China Sea, na inaangkin ng China kahit may mga overlapping claims mula sa Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei. Ang karagatang ito ay dinadaanan ng mahigit $3 trilyong halaga ng shipborne commerce bawat taon.
Tinatawag ng Pilipinas ang mga bahagi ng South China Sea na sakop ng bansa bilang West Philippine Sea, kabilang ang Luzon Sea at mga katubigan sa paligid ng Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc.
Noong 2016, pabor ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague sa Pilipinas laban sa mga claim ng China at sinabing wala itong legal na basehan, ngunit hindi kinikilala ng China ang desisyon.











