Hindi bababa sa 30 katao ang nasugatan—pito sa kanila ay kritikal—matapos araruhin ng isang sasakyan ang grupo ng mga taong nakapila sa labas ng isang nightclub sa East Hollywood, Los Angeles, California, ayon sa Fire Department.
Ayon sa mga rumespondeng bumbero, bumangga ang sasakyan sa harap ng The Vermont Hollywood music venue.
Matapos huminto ang sasakyan, hinila at pinagtulungan umano ng mga bystander ang driver, ayon sa pulisya. Sa gitna ng gulo, isa sa mga bystander ang nagpaputok ng baril at tinamaan ang driver.
Pinaniniwalaang lasing ang driver, ayon sa isang opisyal ng law enforcement.
Sa ulat ng Los Angeles Fire Department (LAFD), pito ang isinugod sa ospital na nasa kritikal na kondisyon, anim ang seryoso ang lagay, at sampu ang nasa maayos na kondisyon. Pitong iba pa ang tumangging magpadala sa ospital matapos masuri sa lugar.
Ayon sa Los Angeles Police Department (LAPD), kabilang sa mga biktima ang 18 babae at 12 lalaki na nasa edad 20 hanggang 30. May mga bali, sugat sa katawan, at isang pasyente na nagtamo rin ng tama ng bala ang dinala sa iba’t ibang trauma center at ospital.
Wala naman umanong indikasyong may kaugnayan ito sa terorismo o iba pang kriminal na intensyon bukod sa pagiging lasing ng suspek.











