CAUAYAN CITY – Pumalo na sa 349 na pamilya ang nagsilikas sa Rehiyon Dos dahil sa pananalasa ng Bagyong Julian.
Ito ay katumbas ng 1,110 na indibidwal na mula sa 29 na Barangay sa lalawigan ng Batanes at Cagayan.
78 na pamilya mula rito o katumbas ng 244 indibidwal ang kasalukuyang tumutuloy sa mga evacuation centers habang 177 na pamilya naman ang pansamantalang tumutuloy sa kanilang mga kaanak at kaibigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Allan ng Department of Social Welfare and Development Region 2, sinabi niya na naka-preposition na ang mga Food at Non-food items sa bawat bayan at Lungsod sa Rehiyon pangunahin na sa Cagayan at Batanes.
Tiniyak naman niya na patuloy nakaantabay ang kanilang tanggapan katuwang ang mga Local Government Units at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office para tumugon sa pangangailangan ng mga residente.
Pinayuhan naman niya ang publiko pangunahin na ang mga nasa low-lying areas na lumikas kung kinakailangan para maging ligtas sa pananalasa ng naturang bagyo.