--Ads--

Sugatan ang isang 32-anyos na construction worker matapos masangkot sa banggaan ang minamaneho nitong motorsiklo at isang sedan pasado alas-singko ng hapon noong Enero 30, 2026 sa Barangay Baluarte, Santiago City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMSG. Bienvinido Seredio Jr. ng Traffic Enforcement Unit ng Santiago City Police Office, sinabi nitong magkasalungat ang direksiyong tinatahak ng dalawang sasakyan nang mangyari ang insidente. Patungo umano sa Barangay Baluarte ang motorsiklo, habang ang sedan naman ay patungong Diffun, Quirino.

Batay sa paunang imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang drayber ng motorsiklo habang binabaybay ang kurbadong bahagi ng kalsada dahilan upang dumiretso ito at bumangga sa paparating na sedan.

Dagdag ni PMSG. Seredio, napag-alaman ng mga awtoridad na nakainom ng nakalalasing na inumin ang drayber ng motorsiklo na siya ring tinitingnang pangunahing sanhi ng aksidente.

--Ads--

Dahil sa lakas ng banggaan, total wreck ang motorsiklo, habang nasira naman ang left front bumper ng sedan.

Agad na isinugod sa pagamutan ang drayber ng motorsiklo na nagtamo ng mga bali sa katawan. Nananatili naman itong conscious, nasa maayos na kondisyon, at patuloy na nagpapagaling.

Samantala, nagsagawa ng follow-up investigation ang pulisya subalit bigo silang makakuha ng CCTV footage at iba pang karagdagang ebidensya na makatutulong sa mas mabilis na imbestigasyon ng insidente.

Batay sa naging kasunduan ng dalawang panig, prayoridad muna ang pagpapagaling ng mga sangkot bago magsagawa ng pormal na pag-uusap sa Pebrero 7, 2026, dakong alas-diyes ng umaga, para sa posibleng pag-areglo at maiwasan ang pagsasampa ng kaso.