Napapakinabangan na ng mga nagpapasusong ina sa Santiago City ang mahigit 30 breastfeeding rooms na naitatag sa iba’t ibang bahagi ng lungsod bilang bahagi ng kampanya ng lokal na pamahalaan na isulong ang ligtas at komportableng pagpapasuso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lilibeth Cabanlong, Nutrition Officer I ng Santiago City Health Office, sinabi nito na nakapasa na sa validation at DOH certification ang lahat ng 37 barangay sa lungsod bilang Mother-Baby Friendly Workplace.
Bukod sa mga barangay, mayroon ding mga accredited breastfeeding rooms sa ilang pampublikong lugar sa lungsod kabilang ang Integrated Terminal Complex sa Four Lanes, Santiago City Public Market partikular sa Arcade 1, Taxpayers Lounge sa City Hall, at sa birthing center ng City Health Office.
Ayon kay Cabanlong, layunin ng programang ito na higit pang hikayatin ang mga ina na magpasuso sa kanilang mga sanggol sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos, komportable at ligtas na lugar kung saan maaari silang mag-breastfeed nang may kumpiyansa.
Dagdag pa nito na inaasahan pang madaragdagan ang mga breastfeeding rooms sa lungsod bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng lokal na pamahalaan sa kahalagahan ng breastfeeding para sa kalusugan ng ina at sanggol.











