--Ads--

Sumasailalim sa masusing paghahanda at climate adjustment ang ilang atleta ng SDO Nueva Vizcaya sa kanilang pagdating sa Santiago City para sa gaganaping CAVRAA Meet 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Melanie Asuncion, Division Sports Officer ng SDO Nueva Vizcaya, bahagi ng kanilang preparasyon ang acclimatization ng mga atleta upang makaangkop sa mas mainit na klima sa Santiago City, lalo na’t nagmula ang karamihan sa kanila sa mas malamig na bahagi ng probinsya.

Ipinaliwanag niya na inaasahang makakaramdam ng pagbabago sa temperatura ang mga manlalaro, kaya nagpatupad sila ng mga hakbang upang matulungan ang mga atleta na makapag-adjust at mapanatili ang kanilang kondisyon sa kompetisyon.

Dagdag pa ni Asuncion, pangunahing prayoridad ng kanilang tanggapan ang kaligtasan ng mga kalahok, kaya may nakaantabay na medical team na tututok sa kanilang kalusugan mula sa unang araw ng kanilang pananatili.

--Ads--

Aniya, pinalakas pa ngayong taon ang kanilang medical support sa pamamagitan ng pagkakaroon ng itinalagang medical officer at doktor para sa buong delegasyon.

Samantala, ipinatutupad din ng SDO Nueva Vizcaya ang Learners’ Rights and Protection (LRP) Hub upang matiyak ang proteksyon at kapakanan ng bawat atleta.

Makikita rin sa venue ang mga paalala laban sa bullying bilang bahagi ng adbokasiya ng mga organizer na itaguyod ang disiplina, respeto, at maayos na pakikitungo sa kapwa atleta.

Binigyang-diin ng SDO ang kahalagahan ng disiplina at tamang asal ng mga atleta bilang susi sa kanilang maayos na performance at kaligtasan sa buong tagal ng palaro.

Tiniyak din ng opisyal ang kanilang patuloy na suporta sa bawat delegasyon upang masiguro ang ligtas at maayos na paglahok sa kompetisyon.

Kaya’t paalala sa mga magulang at pamilya ng mga atleta: wala silang dapat ikabahala dahil may sapat na medical team at suportang handang umalalay sa kanilang kalusugan at kaligtasan.