Apat na indibidwal sa Estados Unidos ang napatunayang guilty kaugnay ng 2021 assassination ni Haitian President Jovenel Moise, na nagdulot ng matinding political at security crisis sa Haiti.
Kinilala ang mga nahatulan na sina Arcangel Pretel Ortiz, Antonio Intriago, Walter Veintemilla, at James Solages. Napatunayan silang sangkot sa sabwatan sa pagpatay at pagbibigay ng suporta sa plano.
Ayon sa mga prosecutor, nagmula sa South Florida ang pagpaplano at pondo ng operasyon. Maaari silang humarap sa habambuhay na pagkakakulong.
Iginiit ng depensa na sila ay ginawang scapegoat at sinabing ang orihinal na plano ay pag-aresto lamang kay Moise, ngunit nauwi ito sa pagpaslang.
Patuloy na nananatili ang instability sa Haiti matapos ang insidente, kabilang ang kawalan ng eleksyon at patuloy na karahasan ng mga armadong grupo.





