Nagtamo ng pinsala ang apat na sasakyan matapos masangkot sa karambola sa kahabaan ng Cabatuan Road, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela, kahapon, Oktubre 26, 2026.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, magkakasunod na bumibiyahe patungong poblacion ang mga sasakyan nang mangyari ang insidente.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, pansamantalang nakahinto ang tatlong sasakyan habang naghihintay na mag-green ang traffic light nang bumangga umano ang isang truck sa likurang bahagi ng isang hatchback.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumama ang hatchback sa likurang bahagi ng sinusundan nitong kotse, na siya namang bumangga sa isang SUV.
Kabilang sa mga sasakyang sangkot ang isang Hyundai Santa Fe na minamaneho ng isang babae na residente ng Barangay Tagaran, Cauayan City; isang Toyota Vios na minamaneho ng 19-anyos na babae at residente ng Beverly Hills Subdivision, Barangay Cabaruan, Cauayan City; isang Toyota Wigo na minamaneho ng 31-anyos na miyembro ng Philippine National Police na nakatalaga sa San Mateo, Isabela; at isang Hovo NX truck na minamaneho ng isang 45-anyos na lalaki na residente ng San Fernando, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng pinsala ang lahat ng sasakyan, ngunit hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala dahil kinakailangan pang suriin ang mga ito.
Matapos ang insidente, dinala sa himpilan ng Cauayan City Police Station ang mga driver at ang mga sasakyan para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang nararapat na hakbang.
Samantala, ayon sa isang residenteng nakasaksi sa insidente na nakaugnayan ng Bombo Radyo Cauayan, wala umanong nasugatan sa naturang karambola.











