--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa 400 na micro rice retailers sa 5 lalawigan ang nabigyan ng Department of Trande and Industry (DTI) region 2 ng Economic Relief Subsidy matapos maapektuhan ng price cap sa bigas .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Winston Singun ng DTI region 2, sinabi niya na ang pinakahuling pamamahagi ng Economic Relief Subsidy sa mga rice retailers  ay ginanap sa Lunsod ng Ilagan .

Umabot na sa apat na raang rice retailers ang nabigyan na ng ayuda para sa unang  batch at aasahang madadagdagan pa ito sa mga susunod na araw.

Bawat apektadong micro rice retailer  ay nakatanggap ng 15,000 pesos na ayuda mula sa pamahalaan.

--Ads--

Ang bilang naman ng alokasyon para sa ayuda ay nakadepende sa listahang isusumite ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Pangunahing layunin  ng pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda na  matulungan ang mga micro rice retailers sa inaasahang pagkalugi sa pagpapatupad ng rice price ceiling sa bigas.

Sa ngayon ay minamadali na  ng DTI ang pamamahagi ng ayuda sa lahat ng apektadong retailers dahil posibleng ipawalang bisa na rin sa mga susunod na araw ang price cap sa bigas dahil pumapasok na ang mga bagong aning palay at inangkat na bigas.

Partial compliance pa rin ang naitatala ng DTI sa mga rice retailers sa mga pamilihan dahil karamihan ay mas pinipiling magbenta ng special rice na mas mahal ang presyo kada kilo.