CAUAYAN CITY– Muling nagpaalala ang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection Cauayan City sa publiko pangunahin na ang mga naninigarilyo na huwag itapon ang mga upos ng sigarilyo sa mga lugar na maaring pagmulan ng sunog.
Ito ang naging pagpapahayag ni FO3 Reagan Bernardo tagasiyasat ng BFP cauayan City alinsunod sa muling pagkakatala ng grass fire sa Brgy Cabaruan, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO3 Bernardo tinatayang nasa 3,000 to 4,000 square meter ang luwang ng naitalang grass fire.
Lumabas sa pagsisiyasat ng BFP Cauayan City na hinihinalang itinapon na upos ng sigarilyo ang isa sa nakikitang pinagsimulan ng apoy matapos walang makitang palatandaan ng may nagsunog sa pinangyarihan ng grass fire.
Aniya naging pahirapan ang pag apula ng sunog na umabot sa higit sampung minuto.
Kasama ng dalawang fire truck ng BFP ang isang fire truck ng rescue 922.
Ayon pa kay FO3 Bernardo na kapag hindi agad natugunan ang naturang grass fire ay maaring madamay ang kalapit na mga bahay doon.
Batay sa talaan ng ng BFP Cauayan City tinatayang nasa anim na ang naitalang grass fire ngayong taon.




