--Ads--

Nasa gitna ng malawakang operasyon ang mga awtoridad sa Southern California matapos mag-overheat at magsimulang mag-leak ang isang storage tank na naglalaman ng methyl methacrylate isang kemikal na ginagamit sa paggawa ng plastic parts—na posibleng sumabog anumang oras.

Dahil sa banta, umabot sa humigit-kumulang 40,000 residente ang inilikas mula sa Garden Grove at ilang bahagi ng kalapit na mga lungsod sa Orange County kabilang ang Cypress, Stanton, Anaheim, Buena Park, at Westminster.

Ayon sa Orange County Fire Authority, nasa pagitan ng 6,000 hanggang 7,000 gallons ng kemikal ang laman ng tangke na nag-overheat noong Huwebes at patuloy na naglalabas ng usok at singaw.

Nagbabala ang mga opisyal na maaaring pumutok o bumigay ang tangke anumang oras, na posibleng magdulot ng malawakang chemical spill at panganib sa kalusugan.

--Ads--

Bagaman nagawa ng mga responder na mapanatili ang temperatura ng tangke upang maiwasan ang agarang pagsabog, patuloy pa rin ang monitoring at containment operations.

Ayon sa health authorities, ang pagkalantad sa nasabing kemikal ay maaaring magdulot ng irritation sa mata, hirap sa paghinga, pananakit ng ulo, at pagkahilo.

Patuloy namang umaapela ang mga awtoridad sa publiko na sundin ang evacuation orders habang isinasagawa ang masusing pagresolba sa insidente.