--Ads--

Nagbigay ng karangalan sa Pilipinas ang limang taong gulang na si Jodiel Chloe Banawa ng Alicia, Isabela matapos masungkit ang anim na gintong medalya sa 24th ASEAN+ Age-Group Chess Championships sa Singapore.

Bilang pinakabatang miyembro ng Philippine delegation, lumaban si Banawa sa Girls Under-6 division at winalis ang gold medals sa individual at team competitions ng Standard, Rapid, at Blitz chess.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chloe at kanyang mga magulang na sina G. Joel Banawa at Gng. Diane Ramos, pinakamarami ang anim na gintong medalya ni Chloe sa lahat ng miyembro ng Team Philippines.

Ayon sa National Chess Federation of the Philippines, makasaysayan din ang kanyang panalo sa Standard chess dahil ito ang unang individual gold medal ng Pilipinas sa Girls Under-6 division sa nasabing torneo.

--Ads--

Sa Standard event, nagtala siya ng anim na panalo sa pitong laro. Matapos ang isang pagkatalo sa ikatlong round, nanalo siya sa kanyang apat na sumunod na laban upang manguna nang mag-isa sa standings.

Nagpatuloy ang kanyang magandang performance sa Rapid at Blitz, kung saan nasungkit niya ang individual gold at nagtapos na undefeated sa Blitz na may perfect eight points.

Halos isang taon pa lamang mula nang magsimulang maglaro ng chess si Jodiel. Noong Hunyo, winalis din niya ang Standard, Rapid, at Blitz titles sa Girls Under-8 division ng Philippine National Age Group Championships, kung saan nakalaban niya ang mga mas nakatatandang manlalaro.

Bahagi ang anim na gintong medalya ni Banawa sa makasaysayang 83-medal haul ng Pilipinas, na naglagay sa bansa sa ikalawang puwesto sa overall standings.

Nagpasalamat naman si Chloe at kanyang mga magulang sa lahat ng mga sumusuporta sa kanya at umaasa silang magpapatuloy ang magandang karera sa larong chess.