Halos hindi na makilala ng sarili nitong magulang ang 5-anyos na biktima dahil sa tindi ng mga sugat nito sa katawan.
Batay sa ama nabasag ang mukha ng anal at halos hindi na maimulat ang isang mata dahil sa tinamong pambubugbog maliban pa ito sa mga hiwa nito sa tiyan at leeg .
Inirekomenda ng pulisya sa Navotas City ang pagsasampa ng kaso ng frustrated murder at child abuse laban sa isang suspek na umano’y nanakit sa biktimang isang limang taong gulang na batang lalaki sa Navotas City.
Natagpuan ang biktima na duguan at may malalim na hiwa sa tiyan at leeg malapit sa NLEX ramp ng R10 Sitio Puting Bato, Barangay NBBS Proper, noong Marso 31 bandang alas-5:45 ng hapon.
Batay sa CCTV footage, nakita ang bata kasama ang suspek at dalawa pa niyang pinsan na pawang menor de edad. Ayon sa Navotas City Police, hindi na nakunan ng CCTV kung saan sila nagtungo matapos lumabas sa lugar kung saan natagpuan ang bata.
Dinala ang biktima sa Tondo Medical Center kung saan natuklasang may hiwa sa tiyan at leeg, hematoma sa kaliwang mata, at iba pang pinsala. Nakarekober din ang mga imbestigador ng basag na bote, mga damit, at bakas ng dugo sa pinangyarihan ng krimen na isinumite sa crime laboratory para sa pagsusuri.
Sa ospital, tatlong beses na ipinakita sa bata ang larawan ng suspek at tatlong ulit niya itong itinuro bilang taong nanakit sa kanya. Positibo ring kinilala ng dalawang batang kasama ng biktima ang suspek, na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw ang motibo ng suspek dahil sa umano’y paligoy-ligoy na mga sagot sa sa kanilang katanungan.
Samantala, ayon sa ama ng biktima, kritikal ang kalagayan ng kanyang anak na nawalan ng ilang bahagi ng bituka at kinakailangang sumailalim sa serye ng operasyon.
Dahil sa karumaldumal na sinapit ng anak desidido ang Pamilya na ituloy ang pagsasampa ng kaso sa suspek at walang anumang intensyon na magpa-areglo.











