--Ads--

Nagdeklara ng full alert ang pamahalaang barangay ng Alicaocao, Cauayan City dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga residente at turista sa ilog na sakop nito ngayong Semana Santa, lalo na sa Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Tanod Vicente Bayubay, sinabi niya na mas paiigtingin nila ang pagbabantay sa ilog, lalo na sa mga oras na inaasahang maraming tao ang dadagsa.

Aniya, ilang insidente na ng pagkalunod ang naitala sa nasabing ilog sa nakaraan, kaya’t kinakailangan ang maigting na pagbabantay upang maiwasan ang aksidente.

Upang mapanatili ang kaligtasan, lilimitahan ang ilang delikadong bahagi ng ilog gamit ang lubid, at ito lamang ang mga puwedeng puntahan ng mga naliligo.

--Ads--

Kasama sa pagbabantay ang mga barangay tanod, pati na rin ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station, Public Order and Safety Division (POSD), at mga rescue teams upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng dumadayo sa ilog.

Hinihikayat naman ng barangay at mga awtoridad ang lahat ng bumibisita sa ilog na sumunod sa mga itinakdang patakaran, huwag lumampas sa mga limitadong bahagi ng ilog, at iwasang maligo kapag nasa ilalim ng impluwensya ng alak.